Tuesday, January 3, 2012

Walang Natira







Napakasarap sa pakiramdam na maririnig mo na ang iyong mga kababayan ay gumagawa ng pangalan sa ibang bansa. Nakikilala sila sa pagiging magaling sa kanilang mga larangan na pinasok. Nagiging tanyag din sila sa pagiging isang magiliw, matapat at higit sa lahat ay maayos magtrabaho na mga Pilipino. Nailathala ko ang isang blog na ito noong marinig ko ang kanta ni Gloc 9 na ang pamagat ay “Walang Natira”. Siya ay isa sa mga tinitingalang musikero sa ating bansa. Mahilig niyang talakayin ang mga isyu na kinakaharap natin at inilalagay niya ito sa pamamagitan ng pagrarap. Napaisip ako na bakit ganun ang sistema ng ating gobyerno. Napaka kaunti ng oportunidad sa ating mga kababayan na halos bihasa na sa kanilang mga propesyon. Siguro nga ay panahon na ng pagbabago. Kung dati ay haligi ng tahanan lang ang nagtatrabaho para pumunta ng ibang bansa ngayon pati ilaw ng tahanan ay sumasabak narin sa hirap ng buhay para lang kumita ng pera na pangtutustos sa mga kakailanganin ng mga anak. Nabanggit ang pangalang Angelo sa kanta. Para sa akin ay siya lang ay ginawang modelo ng kopusitor para maging katayuan ng mga anak na iniwan ng kanilang mga magulang para mag-abroad. Masasabi ko na isa ako sa mga milyong milyong mga kabataan na tumanda na hindi nila kapiling ang isa sa kanilang mga magulang. Sa bawat araw na dumadating hindi lilipas na hindi isipin ang mahal na malayo sa iyong tabi. Sa bawat kaarawan na dadating tanging hiling ay makasama ang ama o ina kahit lang isang saglit. Ngunit hindi ito mangyayari dahil sa kanilang pag-uwi gutom naman ang ating malalasap. Mag-aalaga ng taong hindi naman nila kilala o kaya’y anak ng iba. Mas iisipin muna nila na magsakripisyo pansamantala makatapos lang ng kolehiyo ang kanilang tanging kayamanan sa buhay. Siguro nga emosyon ang mapupuna sa aking mga sinabi. Ngunit ito ang reyalidad.

Sa mga balitang inuulat hindi mawawala ang mga pinoy na pinagmamalupitan o pinagsasamantalahan ng kanilang mga amo. Minsan pa nga ay malamig na bangkay na silang inuuwi dito. Tanging iyak nalang nalang ciguro ang maisusukli natin sa kanilang kagitingan. Bulag na ba ang gobyerno dahil hindi nila makita ang mga pinaggagagawa ng iilan? Bingi na ba sila dahil hindi nila marinig ang iyak ng mga nangungulilang mga pamilya? At Pipi na ba sila dahil hindi nila masabi ang kanilang mga hinaing dahil takot sila sa maiimpluwensyang bansa dahil isa lang tayong maliit na lahi. Kung ganito lang ang laging nangyayari, aba! , siguro ay salubungin mo na ang malakas na agos ng buhay. Gumising kana sa katotohanan at bigyan ng pagbabago ang buhay.

Napakaraming Guro, Nurse, Karpintero, Inhinyero, Kasambahay, at Labandera dito sa amin ngunit wala ng natira, nag-aabroad sila dahil gusto nilang yumaman!

Napakaraming tama dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?

No comments:

Post a Comment