Tuesday, January 3, 2012

Babae ni Inang Laya




Reaksyon sa “Babae” ni Inang Laya
Ang babae ay sadyang nilikha ng diyos para sa mga lalaki upang sila’ay pagsilbihan at damayan sa lahat ng oras ng kanilang pangangailangan. Sa kabila nito sila’y nilikha ring dapat igalang at bigyan ng karapatan. Hindi lamang mga lalaki ang may karapatang magkaroon ng mga karapatan sa lipunan maging ang mga babae rin. Hindi sa lahat ng oras ay dapat silang alilain at pahirapan at dapat ay huwag ipagkait ang kanilang karapatan na lumaya.
Ang babae sa kantang “Babae” ni Inang Laya ay inilarawang Maria Clara. Maria Clara, isang dalagang mahinhin at nagtataglay ng kabutihang asal sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose P. Rizal, isang babaeng nabuhay sa kapanahunan ng mga Espanyol at sa kanyang kapanahunan ang kanyang mga kapwa babae ay sadyang walang karapatan di tulad ng sa mga lalaki. Sila’y itinuturing na hindi marunong lumaban sapagkat mababaw ang tingin sa kanila ng mga kalalakihan. Sila’y labis na pinagkaitan ng kapalaran. Hindi sila hinayaang makapag-aral ng maayos at mabuti dahil ang turing sa kanila sa lipunan ay tagagawa ng mga bata. Sila’y hinayaang manatili sa mga tahanan upang gumawa ng mga gawaing bahay dahil sa paniniwala ng mga Adan ang mga Eba ay likas na mahihina at hindi kayang tumbasan ang mga gawaing ginagawa ng mga lalaki.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ding inaapi ang mga kababaihan kahit na ipinagkaloob na sa kanila ang mga karapatang dapat nilang natamo noon pa man. Marami rami naring batas para sa kanila ngunit hindi ito lingid sa kaalaman ng ilang kalalakihan kaya patuloy pa din ang pagpapahirap at pagpapakasakit ng mga babae ng lipunan. Sa mga ginagawang pang aalipusta ng nakararami ay pagluha na lamang ang kanilang nagagawa.
            Isang Cinderella, isa pang itinuturing na larawan ng mga kababaihan. Itinuturing pa din na mahihina ang mga kababaihan sapagkat tulad ng Cinderella at ng iba pang mga prinsesa na inaantay na dumating ang mga prinsipeng magliligtas sa kanila sa anumang kapahamankan.  Isang ugali na nagpapatunay na hindi kayang mabuhay kung wala ang lalaking aalalay at aagapay sa kanila. Nangyayari ito dahil kinulong natin ang ating isipan na tanging prinsipe lang ang magbibigay ng maganda at makahulugang katapusan sa istorya ng kawawang mga dalaga.
            Sa kabila ng lahat na ang mga kababaihan ay itinuturing na mahihina at walang lakas ng loob may iilan pa ring sinubukan at nagkamit ng tagumpay kahit sila’y isang hamak na babae lamang. Katulad ng mga nakilalang magigiting at matatapang na babae sa kasaysayan ng Pilipinas na may ginampanang malaking papel upang magtagumpay at makamit ng mga Pilipino ang kanilang inaasam na kalayaan. Kahit hindi talaga sila ang nakakuha ng tagumpay at mithiin malaki pa din ang kanilang naiambag. Ilan na lamang sina Gabriela, Teresa, at Tandang Sora  sa mga babaeng may malaking papel sa pagkamit ng mithiin ng mga uhaw sa kalayaang mga Pilipino. Hindi sila umasa sa luha at awa.  Gumamit sila ng sandata na kadalasay hindi ginagamit ng mga kababaihan dahil ang pakikidigma at pagsali sa mga rebulusyon ay mga gawain lamang ng mga matitipunong lalaki. Sina Lisa, Lorena at Leosa ay hindi natakot makibaka upang magkamit at maidepensa ang mga karapatang pantao ng mga kababaihan. Sila’y hindi hinayaan ng kanilang mga kapwa Eba, sila’y sinuportahan at inalalayan dahil tulad lamang sila ng mithiin. Ang kanilang pagtutulungan ang nagiging susi ng kanilang tagumpay.
            Tama ang isinasaad ng awitin. Ang mga babae ay likas na mahihina at madalas na lamang na umaasa sa luha at awa, ngunit sa kabila ng lahat ng iyon ay ang kalakasang tutumbas sa mga kakayahang tulad ng sa isang lalaki. Hindi lamang kama ang lugar nila sa lipuan kung hindi ang mga gawaing hindi natin inaakala na kaya nilang gawin. Ang kanilang pakikibaka ay hindi para sa walang kabuluhan. Ang kanilang ginawa ay tama na dapat ipagmalaki. ng kanilang mga natagong kakayahan sa likod ng kanilang mga kahinaan ay huwag hadlangan at sa halip ay pagyamanin. Ang pangarap nilang kalayaan ay huwag ipagkait. 

Walang Natira







Napakasarap sa pakiramdam na maririnig mo na ang iyong mga kababayan ay gumagawa ng pangalan sa ibang bansa. Nakikilala sila sa pagiging magaling sa kanilang mga larangan na pinasok. Nagiging tanyag din sila sa pagiging isang magiliw, matapat at higit sa lahat ay maayos magtrabaho na mga Pilipino. Nailathala ko ang isang blog na ito noong marinig ko ang kanta ni Gloc 9 na ang pamagat ay “Walang Natira”. Siya ay isa sa mga tinitingalang musikero sa ating bansa. Mahilig niyang talakayin ang mga isyu na kinakaharap natin at inilalagay niya ito sa pamamagitan ng pagrarap. Napaisip ako na bakit ganun ang sistema ng ating gobyerno. Napaka kaunti ng oportunidad sa ating mga kababayan na halos bihasa na sa kanilang mga propesyon. Siguro nga ay panahon na ng pagbabago. Kung dati ay haligi ng tahanan lang ang nagtatrabaho para pumunta ng ibang bansa ngayon pati ilaw ng tahanan ay sumasabak narin sa hirap ng buhay para lang kumita ng pera na pangtutustos sa mga kakailanganin ng mga anak. Nabanggit ang pangalang Angelo sa kanta. Para sa akin ay siya lang ay ginawang modelo ng kopusitor para maging katayuan ng mga anak na iniwan ng kanilang mga magulang para mag-abroad. Masasabi ko na isa ako sa mga milyong milyong mga kabataan na tumanda na hindi nila kapiling ang isa sa kanilang mga magulang. Sa bawat araw na dumadating hindi lilipas na hindi isipin ang mahal na malayo sa iyong tabi. Sa bawat kaarawan na dadating tanging hiling ay makasama ang ama o ina kahit lang isang saglit. Ngunit hindi ito mangyayari dahil sa kanilang pag-uwi gutom naman ang ating malalasap. Mag-aalaga ng taong hindi naman nila kilala o kaya’y anak ng iba. Mas iisipin muna nila na magsakripisyo pansamantala makatapos lang ng kolehiyo ang kanilang tanging kayamanan sa buhay. Siguro nga emosyon ang mapupuna sa aking mga sinabi. Ngunit ito ang reyalidad.

Sa mga balitang inuulat hindi mawawala ang mga pinoy na pinagmamalupitan o pinagsasamantalahan ng kanilang mga amo. Minsan pa nga ay malamig na bangkay na silang inuuwi dito. Tanging iyak nalang nalang ciguro ang maisusukli natin sa kanilang kagitingan. Bulag na ba ang gobyerno dahil hindi nila makita ang mga pinaggagagawa ng iilan? Bingi na ba sila dahil hindi nila marinig ang iyak ng mga nangungulilang mga pamilya? At Pipi na ba sila dahil hindi nila masabi ang kanilang mga hinaing dahil takot sila sa maiimpluwensyang bansa dahil isa lang tayong maliit na lahi. Kung ganito lang ang laging nangyayari, aba! , siguro ay salubungin mo na ang malakas na agos ng buhay. Gumising kana sa katotohanan at bigyan ng pagbabago ang buhay.

Napakaraming Guro, Nurse, Karpintero, Inhinyero, Kasambahay, at Labandera dito sa amin ngunit wala ng natira, nag-aabroad sila dahil gusto nilang yumaman!

Napakaraming tama dito sa amin ngunit bakit tila walang natira?