Monday, December 26, 2011

Nakakainis Na Pangyayari Noong Christmas Break

Maaga akong natulog para paghandaan ang simbang gabing magaganap mamayang madaling araw ng Disyembre 16,2011. Inayos ko na ang alarm ng aking cellphone at tinapat ko ito sa saktong alas dos ng umaga. Noong isang taon nakumpleto ko ang simbang gabi kaya ngayon ay pinangako ko sa aking sarili na kailangan kong makupleto iyon dahil may nais akong hilingin at para narin magsakripisyo para sa nalalapit na kaarawan ni Jesus. Kahit maaga na akong gumigising lagi parin akong huli para sa misa kaya tuloy ay nasa labas ako ng simbahan at walang upuan hindi katulad ng sa iba. Ang kasamaan ay huli ka na nga may napaka daldal pa sa aking tabi. Kung anu-ano ang  kanilang pinag-uusapan at pati Facebook! ay nasasama pa sa kwento. Mas malakas pa nga ang kanilang boses sa pari kaya tuloy aking nasabi na “eh kung kayo na lang kaya ang mag misa tutal naman ay napakarami ninyong gustong i-share”. Pagkatapos noon ay bigla nalang silang tumahimik at umalis sa kanilang pwesto. Pangatlong araw na ng pagsisimba ko. Napanisin ko na saglit na lang ako nakakatulog sa gabi kahit maaga naman akong humihiga sa kama. Nakakainis dahil mukhang nagkaroon ako ng insomnia dahil sa paiba-ibang oras ng pagtulog. Marami sakin nagsabi na kumain daw ako ng mansanas at uminom ako ng gatas. Ngunit wala naman akong hilig uminom ng gatas kaya dinukot ko ang mansanas na gagamitin ng aking nanay para sa gagawin niyang fruit salad sa nalalapit na pasko. Ito rin ang nagging dahilan kaya kami nagkasagutan ng aking nanay. Kaya tuloy ngayon ay hindi kami masyadong nagpapansinan. Natatawa nga ako dahil para kaming mga bata….